dear est,
Ayoko talaga sa’yo. Nailang nga ako sa’yo nung nalaman ko sa ibang tao na “crush” mo daw ako. Pero pasalamat ka at “mabait” ako kaya pinapansin pa din kita. Hehe joke.
Ewan ko ba, nitong nakaraang araw, nagbagong bigla ang paningin ko sa’yo. Nitong linggo, ewan ko kung bakit, pero pinag“date” Niya tayo. Magdamag kitang kasama. At nasolo nga natin ang pagkakataon noong sinamahan mo akong magservice. Pinakiusapan pa kitang maglakad dahil mas matagal ang ating magiging usapan. Salamat at pinagbigyan mo ako. Salamat din at nasubukan kong magkuwento nang marami sa ibang tao, hindi lang sa journal ko. Nagulat pa nga ako nung nilibre mo ako. Habang tayo’y kumakain, nagiging kumportable na akong kausapin ka.
Pagdating sa service, habang nakikinig ako ng preaching, nasabi mong iniisip mo yung pagkanta ko. Na tila ba’y umuulit ulit sa isipan mo ang sinabi mong “maganda” kong boses. Syempre, hindi ko normal na gawain ang pagkanta, kaya iniisip kong “nabola” mo ako.
Tapos inaya ulit kitang maglakad nang pagkalayu-layo para lang makakuwentuhan pa kita. Salamat kas talagang pinagbigyan mo ako. Nagsimula na tayong dumaldal sa ating paglalakbay pauwi. Kadalasan nga nating pinag-uusapan ay ang appreciation sa kabilang kasarian. Hanggang sa nakumpirma kong totoo ngang nagka“crush” ka talaga sa akin. Tinawanan lang kita dahil wala lang iyon sa akin. Tapos nagpatuloy tayo sa pagdaldal. Bigla mo ba namang sinabi, “Huwag kang magfo-fall ha.” Bigla kong nasabi sa isip ko, ang kapal naman nito. Para namang magkakainteres ako sa kanya. Hehe.
Kinabukasan, magkasama na naman tayo. Syempre, dahil kumportable na ako sa’yo, ikaw na yung madalas kong sinasamahan. Sa’yo ko pa nga pinatago yung bag ko eh. Panay pa nga ang sori ko ‘pag may kinailangan akong kunin sa bag ko. Pero parang patas lang kasi nakikihingi ka sa powder ko.
Kinahapunan, matapos ang kapaguran, hiniram mo ang cellphone kong may camera. May mga pagkakataong kinunan mo ako. Naiirita ako minsan, pero natutuwa din. Mas ikinatuwa ko yung kinunan mo nang magkatabi ang sapatos nating dalawa. Pero sayang, hindi mo sinave.
Sa pagtapos ng araw, nagpasya kang samahan ako. Pinilit mo pa nga akong magpalit ng damit kasi nakita mo ang pagkairita ko sa nangangati kong leeg at dahil buong araw tayong nagpawis sa kakatakbo. At sa bawat pagkakataong nakikita mo akong walang imik, panay ang tanong mo sa akin ng “okay ka lang?”
Bigla kong naalala yung sinabi mong “Huwag kang magfo-fall.” Ginagawa mo naman ang mga ganitong bagay sa iba pang mga kababaihan, pero naging iba ang dating ng mga iyon sa akin. Hindi ko alam kung bakit ngunit nagsisimula na akong matuwa sa iyo. At kung maulit pa ito ng mga tatlong beses, marahil ay magkagusto na ako sa’yo. Buti na lang ay magkakalayo tayong muli, hindi dahil nakakairita ka ngunit baka ‘pag nagpatuloy ito, mahuhulog at mahuhulog ako sa’yo. Hindi kita binobola.
Ayan, concerned na tuloy ako sa’yo. Mag-iingat ka palagi. Ipagdarasal kita, pati ang mga damdamin natin, na sana ay mahulog ito sa Kanya lamang, at sa darating na panahon ay mahulog ito sa taong Kanyang itinakda.
Nagmamahal,
Grace


